Halos dalawang taon na ang nakalilipas mula nang umapak ako sa PICC upang opisyal na salubungin ang mundo sa labas ng aking nakagisnan. Magkahalong saya, kaba, sabik at takot ang aking naramdaman nan tuluyang matapos ang isa sa pinaka hindi ko malilimutang limang segundo n buhay ko sa entablado. At mas lalo na sa unang hakbang papunta sa sunod na yugto ng aking buhay- paghahanap ng trabaho.

Hindi ko na iisa-isahin kung gaano kahirap ang maghanda ng kailangan at maghanap ng trabaho. Sabihin na lang natin na kung hindi mo ito aayusin at hindi ka magsisipag, ay tiyak na matatagalan ka.

Screenshot_3

Dalawang buwan ang aking ginugol upang mabuo ang desisyon sa tuluyang pagpili sa alok ng isang kumpanya. Sa pagpasok rito ay marami akong natutunang aral tungkol sa buhay sa labas ng eskwelahan.

  1. Mahirap pa rin gumising ng maaga, dahil ang pagiging huli sa trabaho ay may karampatang demerit.
  2. Maraming hindi itinuturo sa eskwelahan na makukuha mo sa trabaho. Kumbaga, hindi ka laging maisasalba ng puro teorya lang ni Freud  o Marx o nan kung sino pa sa ating mga ninuno.
  3. Hindi matatapatan ng pagiging sariwa ng kaalaman mo and karanansan ng mga mas nakatatagal na sa’yo. Kaya nga mas mahal ang bayad sa mas maraming karanasan.
  4. Minsan kailangan maging plastik o mawawalan ka ng trabaho ng maaga.
  5. Hindi lahat ng bagay ay isa-isang ituturo sa’yo. Marahil swerte ako dahil napakabait ng senior ko (Hi ate Arlene!) ngunit may mga naririnig ako kwento na mangangapa ka sa gawaing wala kang kaide-ideya.
  6. Hindi lahat ng mali ay salitang ‘patawad’ lang ay sapat na.

Hindi ko maitatanggin masaya ang mundong malayo sa apat na sulok ng isang silid-aralan. Maraming pagsubok ngunit mas malaking parte lamang ito ng panibagong mundo sa labas ng mga guro, pagsusulit, uno, tres at singko.

Sa kabila noon, hindi ko maitatangging mas gugustuhin kong mabagot sa minor subjects na walang kinalaman sa aking kurso kaysa ang hindi matapos na gawain sa trabaho. Mas gugustuhin kong makipagtalo sa aking mga kaibigan kung sa Kubo o Hepalane kakain ng tanghalian kaysa isipin kung bakit ang mahal ng pagkain sa cafeteria at Chicken Fillet na lamang ba ulit ang kakainin ko tulad ng mga nakaraang tatlong araw. Mas gusto kong problemahin kung may propesor ba sa huling (minor) subject pagtapos ng apat na oras na break kaysa malaman na patapos na ang araw at ang deadline ko ay hindi pa.

Hindi mo alam ano ang sasalubong sa’yo sa labas ng eskwelahang nakasanayan mula sa pagkabata. Pakikipagsabayan sa rush hour sa parehong mga taong nag-iisip sa magiging dikta ng kapalaran sa kani-kanilang kinabukasan.

Hindi lahat ng makakasalamuha mo ay kasing haba ng pasensya ng prof mo. Hindi lahat ng pagkakamali ay puntos lang ang maaapektuhan. Sa oras na ika’y mahuli sa klase, maaaring hindi lang basta bawas sa attendance ang katumbas. At sa oras na bumagyo, imortal na maituturing ang mga nagta-trabaho sapagkat ang hindi pag-pasok ay maaaring maging basehan ng isang buong araw na walang sahod, bumaha man.

Ibang-iba ang propesyunal na mundo- nakakatakot.

Gustuhin ko mang bumalik sa pag-aaral, o mas mabuti- ibalik ang oras sa panahong may Flag Ceremony pa kami tuwing Lunes, gumagawa ng kung anu-ano bilang scout, kinukumpiska ang anumang bulaklak o tsokolate tuwing Valentine’s Day o kahit ang pag-iisip kung sino ang unan kakaibiganin bilang isang college freshman, ay wala pang oportunidad na dumarating. Sadyang tuluyan nang sinalubong ng ating henerasyon ang tadhana ng pagtanda at pagharap sa makabagong mundo. Ang mundong sana hindi ko minadali at ikinasabik sa mga panahong ako’y wala pang muwang sa kung ano ang meron sa labas ng eskwelahan.

Nakaka-miss? oo. Masarap balikan ang mga ala-ala ng katangahan at kaalaman na siyang naging at magiging hakbang at gabay sa kung paano sasalubungin pa ang mga susunod na bukas.

Pero para sa akin, masarap ang kalayaan at pinansyal na pribilehiyo n pagkakaroon ng trabaho kaakibat ng mga kaibigan lamang sa eskwelehan, at mga kaibigan panghabambuhay. Iyon siguro ang isa sa gantimpala kapalit ng nakakatakot ngunit makulay na corporate world.

__

Ang Balangkas ay ang column name ni Azelle bilang Patnugot ng Filipino sa FEU Advocate taong 2013-2014.