Huling nagsulat ako ng artikulong Pilipino ay noong Marso 2013 pa, sa aking huling buwan sa pagiging Patnugot ng Filipino. Nakakatawa, dahil ako ang una sa paninita sa mga manunulat kong ‘di nagfi-Filipino sa kanilang mga nilalagay sa social media, pero ako rin ang nakalimot sa una kong pag-ibig.
First love never dies, ika nga nila, kaso minsan kahit sa maling panahon… madalas pala sa maling panahon- habang sinusubukang magmahal ulit – habang nasasaktan pa – habang makikita mo siyang may iba nang pinahahalagahan ay ang first love mo naging first heartache rin agad.
Masakit, oo, may karapatan kang masaktan, wala.
Pikit matang tatanggapin ang katotohanang ang mahal mo ay maaaring hindi na pareho ang tingin sa’yo. At sa araw-araw ay itatanong mo sa sarili kung saan ka nga ba nagkulang at nagkamali. Tapos sasabihin mo, nagmahal ka lang naman ng sobra, pero may mali nga ba du’n?
Pero kung tutuusin, at least kadalasan, minahal ka niya… hanggang du’n nga lang.
Masakit, oo, may karapatan kang masaktan, wala.
Pero sa gitna ng iyong pagluluksa sa feelings mong ikaw na lang ang may pakealam ay may taong mas matindi ang sakit na nararamdaman. ‘Yung taong nasa parehong kalagayan mo, nagmahal lang naman- minahal ka lang naman.
May taong kayang pulutin ang nawasak na ikaw, hipuin, alagaan at idikit iyon muli. Ang naiiwan na tanong ay kung hahayaan mo siyang subukang hulmahin ang pusong walang kasiguraduhan. Marami silang kayang gawin dahil sa pag-ibig, at ikaw ang tagatanggap ng mga iyon, tulad ng ginagawa mo para sa kanya noon.
Pero… iniisip mo pa rin siya… iniisip ka ba niya? Kibit balikat na lang. Pero may taong iniisip k rin na kayang iparamdam sa’yo ang parehong apoy at paru-paro.
Nasubukan mo na rin bang tignan ito sa ibang anggulo?
Itanong sa sarili kung bakit ikaw at bakit ngayon.
Maaaring hindi siya o ikaw ang mali sa relasyon, kung hindi ang mga bagay na hindi sapat. Is love enough?
Maaaring sa sobrang pagmamahal sa kanya ay pinaikot mo na ang buhay mo sa mundo niya at siyang nalimutan mo ang sariling halaga.
Maaaring sa kakahanap ng magpapasaya sa kanya ay nalimutan mo na ring ngumiti. Maaaring sa lahat ng iyon ay naisakripisyo mo ang iyong sariling kagustuhan.
Maaaring nangyari ang dapat mangyari para turuan kang mas maging matatag, mapangunawa, at buuin muna ang pagkatao bago maghanap ng kaparehang ginagawa rin iyon para sa sarili niya.
May tamang oras ang lahat. Baka sa kamamadali ay makita mo ang sariling ayaw nang maranasan ang isa sa pinakamagandang pwedeng mangyari, ang umibig.